Wednesday, June 15, 2011

popular culture

i'm taking a class this semester that deals with analyzing popular culture and one of the first activities we have is sending an email to our professor regarding the following questions: what is my social identity, to what social group do i familiarize, and where do i find myself in this group's "world". here's my long and rambly answer. please excuse the bad filipino.



lumalaki ako ngayon sa  panahon nang mga 'geek'. sa aking palagay ito ang panahon kung saan nakatutok ang karunungan, at atensyon ng mga tao sa mga marami at iba't ibang bagay na dati'y alam mo lamang bilang hobby ( katulad ng komiks, laruan, mga napapanood sa telebisyon, at mga video games). lumaki ako ng lagi silang nakikita, naririnig, at nalalaro sa kahit anong mediyum, at laging nakatutok sa aming mga laptop, kung saan sa tulong ng internet makakahanap kami ng mga katulad naming mahilig sa mga ganitong bagay at isasama ang sarili sa ganitong grupo.

ito ang grupo na pinakamalapit sa akin sila ang pinakana-iintindihan ko, at ito rin ang grupo na marahil ay nahihirapan akong makasundo o mapagpasensyahan. mahirap din maging isang geek sa pilipinas. para sa marami ang ibig sabihin nito ay pinapasikat at inaangat mo ang sarili mo sa paraang "mas marami akong alam sa ganito kesa sa iyo. kaya't mabuting pakinggan nyo ako sa grupo na ito, ako ang hari ng mga geek". kung kaya't makikita mo kami minsan, susulpot sa umagang kay' ganda o sa unang hirit, iniinterbyu ng mga tao dahil sa hilig naming mangolekta ng maraming laruan, o mag-suot ng damit na katulad ni Batman, kasi "ang cool niya". (kahit hindi naman bagay sayo yung itsura ni Batman, kasi wala ka namang masel.)

minsan nahihiya ako sa mga kapwa kong geek. o naaawa, hindi ako makapagpili kung alin minsan.  OA sila pagdating sa paninindigan sa isang bagay na dapat ay isang "hobby". napupunta ang lahat ng passion nila sa pagpapagaling sa sarili, bilang isang "pop culture fan" laging nasa conventions ng kahit ano. may blog, at maraming larawan ang sarili kasama ang mga bagay na tinuturing "for true fans".  tanggap naman ng mga malapit sa akin na mahilig ako sa (at mahilig gumawa ng) mga laruan, pokus din siya ng blog ko dahil nais ko makita ang gawa ko ng ibang tao para din makakuha ng mga komisyon, pero hindi ko ipinapahiwatig sa mundo na naaaapaka-importante ng ginagawa ko dahil hindi naman. wala akong pangangailangan sa sarili na sabihin sa mga ibang tao na ubod ng pangit ng X-men First Class bilang isang comic movie dahil hindi niya sinusundan ang kumbensyon ng pinagkuhaang komiks (at iniiwasang husgahaan ang pelikula base sa mga elemento ng isang pelikula). 

isa akong estudyante ng Art Studies at minsan na-aaply ko sa larangang ito ang mga natututunan ko at wow, nalalaman ko na hindi kasing-lalim ng aking inaakala ang mga dati kong mga itinuturing na "deep and creative mediums" katulad ng mga napapanood at nakakahiligang mga komiks at anime. ngunit maaaring depende din sa pagbasa ng mga tao, pero mga komersyal na paraan lamang ito ng entertainment kasi, kaya lang naman sumusulat ng komiks ay para bigyan ng paycheck sina alan moore, neil gailman at marami pang iba, kung mayroon mang mga malalim na tono ang kanilang mga gawa nandiyan lamang iyan upang mas matuwa ang mga taong may alam habang nagbabasa, at hindi maramdamang na-iinsulto ang intelihensiya nila tuwing pupulot sila ng isang libro tungkol sa mga hindi karaniwang mga karakter. ikinatutuwa ko mapag-usapan ang mga akdang ganito sa paraang  hinihimay namin ng mga kaibigan ko ang mga akda upang malaman kung bakit bentang-benta sila sa amin, kasi dito ko pakiramdam na nagkakaroon ng mahalagang analisis at diskurso ang mga teksto, at hindi lamang napupunta sa "alam mo mas matagal ko nang (binabasa, pinanood, nilaro) ang ( insert comics, television show, videogame) na ito, simula pa nung unang nilabas ito! fans ako ever since hihihihihihi, ang nerd ko no?".

alam kong may lalim na makikita sa mga akdang ito, pero parang para sa akin, mas marami kang makukuha pag ang pinag-uusapan mo ay yung akda mismo at ang epekto nito sayo at sa lipunan o lugar na kinalalagyan nito, bilang repleksyon o komentaryo nito sa lipunan... kesa ang pinag-uusapan mo na lang ay ang matagal mo nang pagiging isang geek. kasi sawang sawa na ako sa kwento na iyon. nagmumukha ka lang weirdo at stereotype sa harap ng mga ibang tao.


Mikhail Tizon,
BA Art studies (interdisciplinary)
2007-78492




No comments: